Illegal online sabong muling sinalakay, ipinasara ng PNP (Latest Sabong News)
Author
Christian Ryan Sta. Ana
Date
OCTOBER 01 2021
MANILA, Philippines — Isang araw matapos ipasara ng National Bureau of Investigation (NBI) ang illegal online sabong sa San Leonardo, Nueva Ecija, muli itong nagbukas kaya’t nagdagsaan muli ang mga parokyano nito. Kaagad namang ipinasara ni Philippine National Police (PNP) Region 3 Chief Brig. Gen. Val de Leon ang naturang illegal live streaming cockfighting sa Mavis sports complex sa nasabing bayan.
Ayon kay Gen. De Leon, “referred for further investigation ang inutos ng piskal kaya pinakawalan din ang mga tao”.
“Pero may mga nagreklamo kasi na kulang ang kanilang kaukulang papeles tulad ng notice to commence from PAGCOR, kaya pinahinto namin sila dahil wala silang maipakita ng ganyang papel,” dagdag ni De Leon.
Aniya pa, “may mga nagtimbre sa amin na nagkukumpulan ang mga tao sa loob, e violation ng health protocol yun.”
Patuloy namang inaalam pa ng PNP ang may-ari o mga operator ng iligal na pasugalan dahil hindi nila ito nadatnan.
Pero, ayon sa ilang source sa PNP, isang opisyal sa probinsiya ang may-ari nito. Ang mga legal na Online Sabong ay superbisyon ng PAGCOR.