6 OTB ipinasara ng Valenzuela BPLO (Latest Sabong News)
MANILA, Philippines – Ipinasara ng Valenzuela city government ang anim na off-track betting stations (OTBs) dahil sa paglabag nila sa batas sa pagtanggap ng taya sa Sabong sa loob mismo ng kanilang mga pasilidad.
Mismong ang Business Permits and Licensing Office ng Valenzuela City ang nagpasara sa nasabing mga OTBs na tumatanggap ng taya sa sabong na pinamamahalaan ng Manila Cockers Club, Inc. (affiliate ng Manila Jockey Club) at pinaglalaba-nan sa Carmona City sa Cavite.
Ang mga OTBs ay kumukuha ng kanilang mga horseracing permits sa Games & Amusements Board (GAB) at sa local government para tumanggap ng mga taya sa karerang nagaganap sa tatlong karerahan sa bansa.
Pagpasok ng taong kasalukuyan, ipinasok ng Manila Cockers Club, Inc. ang kanilang Sabong betting sa mga OTBs gamit ang mga takilya ng Manila Jockey Club habang ang cockfighting ay ginaganap naman sa Carmona City sa Cavite. Sumasabay ito sa tayaan ng mga karerang nagaganap sa Santa Ana Park o sa MetroTurf.
Sinabi ni BPLO chief Atty. Renchi May Padayao na nilabag ng mga nasabing OTBs ang batas na nagsasabing kailangang kumuha sila ng authorization o permit mula sa Sanggunian ng Valenzue-la City na naaayon sa local government code.
“Wala silang naipakitang authorization mula sa Sanggunian para tumanggap ng taya sa Sabong (livestreaming cockfighting events cockpits and off-cockpit betting station) matapos silang puntahan ng aming mga inspectors noong Agosto 12 at Setyembre 9,” ang sabi ni Atty. Padayao.
Kaya ipinasara ng Valenzuela BPLO noong Setyembre 22 sa pamamagitan ng isang stop order na pinirmahan mismo ni Atty. Padayao.
Nananatiling sarado pa ang mga nasabing OTBs kahit na nakipag-meeting na ang mga operators nito kasama ang umano’y representatives ng Manila Cockers Club, Inc. kamakailan kay Atty. Padayao at sa kanilang legal counsel sa Valenzuela city hall.