Lalaki dinukot sa sabungan (Latest Sabong News)
Author
Joy Cantos
Date
FEBRUARY 25 2016
MANILA, Philippines - Isang mister na abala sa panonood ng sabong ang nilapitan at dinukot ng tatlong armadong kalalakihan kamakalawa sa bayan ng Matnog, Sorsogon.
Ang biktima ay kinilalang si Cesar Lacsa, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Bolo ng nasabing bayan.
Batay sa ulat, bandang alas-9:10 ng umaga sa loob ng sabungan ng Kanso Alaw, Brgy. Tugas, Matnog ng nabanggit na probinsya ay abala ang biktima sa panonood ng sabong kasama ang isang Carding de Leon nang bigla itong lapitan ng tatlong lalaki na tinutukan ng baril saka kinaladkad palabas sa sabungan.
Tinangay ng mga suspek ang biktima patungo sa direksyon ng magubat na bahagi ng nasabing lugar na agad namang ini-report ni De Leon sa pulisya upang ligtas na mabawi ang biktima at matukoy ang mga nasa likod nang pagdukot dito.