Sabungan ni-raid sa Pangasinan: 2 brgy. chairman, 67 pa arestado (Latest Sabong News)
Author
Eva Visperas
Date
FEBRUARY 24 2022
URBIZTONDO, Pangasinan, Philippines — Arestado ang 69 katao kabilang ang dalawang kapitan ng barangay matapos ang isinagawang pagsalakay ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang cockpit arena sa Barangay Malayo dahil sa sinasabing “illegal cockfighting” kamakalawa.
Ayon kay Lt. Col. Bernouli Abalos, CIDG Pangasinan provincial chief, habang nasa Alert Level 2 dahil sa COVID-19 ang Pangasinan maaari namang magsagawa ng sabong subalit dapat ay nasusunod ang ipinatutupad na guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
“We can have cockfighting activity provided we follow IATF protocols, Local Government Code guidelines like securing permits and from the Games and Amusement Board of the Philippine Amusement and Gaming Corporation,” paliwanag ni Abalos.
Sinabi ni Abalos na hindi kumpleto sa dokumento ang sabungan kaya illegal ang operasyon nito sanhi ng pagsalakay at pag-aresto sa mga sabungero.
Tinukoy ng opisyal ang nilalaman ng Presidential Decree 449, Section 5, Paragraph B, kung saan ang sabong sa cockpit arena ay pinapayagan kapag Sabado at Linggo at special holidays pero kung idinaos ito ng weekdays, kailangan na aniya ng “special permit”.
Tumanggi naman si Abalos na pangalanan ang dalawang barangay chairman na kabilang sa mga nadakip na pawang sinampahan na ng kaukulang kaso ng CIDG sa Prosecutor’s Office ng San Carlos City.