‘Cashless’ ang taya! Tradisyonal na sabong pwede na – Palasyo (Latest Sabong News)
Author
Aileen Taliping
Date
DECEMBER 16 2021
Pinayagan na ang operasyon ng tradisyunal na sabong sa alinmang panig ng bansa sa ilalim ng Alert Level 2 .
Ito ang inanunsyo ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles batay sa inilabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force.
Gayunman, sinabi ni Nograles na maaari lamang mag-operate ng sabong kung ito may go signal ang mga lokal na pamahalaan.
“Nagkaroon din ng desisyon ang IATF kung saan pinapayagan ang operasyon ng sabungan at tradisyunal na sabong na nasa ilalim ng Alert Level 2, kung walang pagtutol dito ang mga LGUs or lokal na pamahalaan kung saan gaganapin ang sabong,” ani Nograles.
May mga kaakibat din na kundisyon aniya para makapag-operate ng sabong partikular ang pagsunod sa protocols, gaya ng 50% maximum venue capacity ng mga fully vaccinated, at kailangan kumpleto rin ang bakuna ng mga manggagawa sa sabungan.
Hindi na puwedeng tumaya ng pasigaw at dapat cashless ang pagtaya na ang ibig sabihin ay hindi hahawak ng pera ang mga mananaya.
“Cashless ang pagtaya o betting. Tanging technology-based platforms ang pinapayagan. Ibig sabihin nito, walang palitan ng pera sa sabungan at walang oral placing of bets. Hindi na puwedeng tumaya na nagsisigawan o nagsasalita,” dagdag ni Nograles.
Mahigpit aniyang imomonitor ng Department of Interior and Local Government ang bagong sistema ng pagtaya sa sabong gamit ang teknolohiya at dapat matiyak ng local government unit na mahigpit na ipinapatupad ang minimum public health standards.
Sinabi ni Nograles na ipapasara agad ang operasyon ng sabong kapag hindi nakasunod ang operators sa minimum health standards.
“We enjoin LGUs that will allow the resumption of cockfighting operations to strictly enforce and implement these protocols and to shut down operators that fail to adhere to our minimum health standards,” wika ni Nograles.