PD ng Laguna sinibak, 3 pang pulis nasa restrictive custody (Latest Sabong News)
Author
Doris Franche
Date
MARCH 24 2022
MANILA, Philippines — Sibak sa puwesto ang Provincial Director ng Laguna-PNP na si Col. Rogart Campo matapos na ibunyag sa Senate hearing ng negosyante at gambling operator na Charlie ‘Atong’ Ang na may kinalaman umano ito sa pagkawala ng mga sabungero at tumanggap ng P1 milyong donasyon.
Ayon kay PRO4A chief Police Brigadier General Antonio Yarra, ang pagkakasibak o administrative relieve kay Campo ay ibinaba upang maiwasang maimpluwensiyahan ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso ng mga sabungero.
Pagpapaliwanagin din niya si Campo hinggil sa akusasyon ni Ang na pagtanggap nito ng P1 milyong donasyon.
Naka-assign ngayon si Campo sa personnel admin unit ng DPRM sa Kampo Crame.
Sinabi ni Yarra na nasa restrictive custody naman sa regional headquarters ng Police Regional Office 4A sina Patrolman Roy Navarete, Police Staff Sergeant Daryl Paghangaan at Police Master Sargent Michael Claveria na tatlo sa limang pulis na positibong itinuro ng mga kamag-anak ng mga nawawalang e-sabong master agent na si Ricardo “Jonjon” Lasco.
Sa ngayon, nasa 30 sabungero na ang iniulat na nawawala.
Tiniyak naman ni Yarra na tutukan nila ang isyu upang agad na maresolba at mabigyan ng hustisya ang pamilya ng mga nawawalang sabungero.